Muling nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga paaralan at mga magulang na mahigpit na bantayan ang aktibidad ng mga mag-aaral o kanilang mga anak para maiwasan ang insidente ng hazing.
Ang panawagan ay ginawa ni PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan kasunod ng pagkamatay ni Adamson University chemical engineering student John Matthew Salilig dahil sa hazing.
Paalala ng PNP sa mga fraternity, may umiiral na Anti-hazing Law na habambuhay na pagkakabilanggo ang parusa sa sinumang lalabag nito.
Samantala, base sa datos mula 2012, ang pinakamataas na bilang ng insidente ng hazing ay 30 na naitala noong 2018 kung saan tuloy-tuloy namang bumaba ang bilang nito sa lima nitong 2022.
Sa pinakahuling impormasyon mula sa Cavite police station, namatay ang biktima dahil sa physical trauma mula sa 2 hazing rites.
15 suspek din na pawang mga myembro ng Tau Gamma Phi ang kasalukuyang pinaghahanap ng mga otoridad.