Wala na ring magaganap na Christmas Party sa lahat ng kampo at tanggapan ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa.
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Camilo Cascolan kasunod ng hiling ng Metro Manila Council sa iba’t ibang pribadong kompanya na wala munang Christmas Party upang makaiwas sa COVID-19.
Aniya, maiintindihan naman daw ng mga pulis kung hindi na muna magkakaroon ng Christmas Party.
Sinabi ni Cascolan na ang ipapanggastos nila o maging sponsor sa kanilang mga Christmas Party ay ilalagay na lang sa food bank para maitulong sa mga pamilyang lubhang apektado ng nararanasang pandemya.
Kahit walang Christmas Party, makatatangap naman ng cash gifts ang mga pulis lalo at sila ay nagsisilbing frontliners ngayon.
Paliwanag ni Cascolan, makatutulong ito para mapataas ang morale ng Police Force na magreresulta sa magandang performance ng mga ito bilang mga public servant.