Walang namo-monitor ang Philippine National Police (PNP) na anumang tangkang paglulunsad ng malawakang kilos-protesta kaugnay ng katatapos lamang na botohan.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, hahayaan nilang makapaglabas ng saloobin ang mga tao basta’t hindi sila makaka-abala sa canvassing ng mga boto at kung gagawin nila ito sa mga lugar kung saan maaari lamang magsagawa ng rally.
Handa rin naman aniya ang PNP sakaling may sumiklab na mga malawakang pagkilos.
Kahapon, daan-daang indibidwal ang sumugod sa harapan ng tanggapan ng Commission on Election sa Intramuros, Maynila para iprotesta ang anila’y hindi kahandaan ng poll body sa pagsasagawa ng halalan.
Kasunod na rin ito ng mga napaulat na aberya lalo na sa mga vote counting machines.
Habang kaninang umaga, nagkilos-protesta muli ang ilang grupo ng mga manggagawa at magsasaka sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.