Walang natatanggap na seryosong banta ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga nagbabalak na manggulo sa inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa linggo, June 19 at President-elect Ferdinand Marcos Jr., sa June 30.
Gayunpaman, ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi pa rin nagpapa-kampante ang kanilang hanay at patuloy pa rin sila sa mga paghahanda para sa inaasahang kaganapan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Col. Fajardo na patuloy rin ang kanilang koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa intel monitoring.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi malulusutan ang kanilang hanay, kung mayroong mga nagpa-plano na manggulo sa malaking kaganapan na ito.
Matatandaan na una nang sinabi ng opisyal na para sa inagurasyon sa Davao City ng susunod na bise presidente ng bansa, nasa 3,500 pulis ang tututok sa seguridad.
Habang na 6,500 na PNP personnel naman ang idi-deploy sa inagurasyon ng susunod na pangulo ng bansa, sa Lungsod ng Maynila.