PNR, nanawagan sa ilang residente na ihinto na ang pambabato sa mga tren

Nanawagan ang pamunuan ng Philippine National Railways o PNR sa ilang residente malapit sa riles na ihinto na ang pambabato sa mga tren.

Ito ay kasunod ng pagkakaroon ng mga bagong set ng rail cars ng PNR, na parte ng pagpapabuti sa serbisyong-alok sa publiko.

Ayon kay PNR General Manager Junn Magno, ikinalulungkot ng kanilang pamunuan na may mga tao pa ring naghahagis ng mga bato, bote o kaya ay dumi ng tao sa mga tren kapag dumadaan na ito sa kanilang lugar.


Ang ilan sa kanila ay tila pinagti-tripan ang mga tren sa pamamagitan ng pag-tirador, lalo na ang mga bintana ng mga bagon.

Sinabi ni Magno na ang mga ganitong uri ng gawain ay hindi lamang nakakapinsala sa mga tren ng PNR, kundi nagdudulot ng panganib sa mga pasahero.

May mga pagkakataon din na nagkakaroon pa ng pagkaantala sa mga biyahe dahil sa insidente ng pambabato, kaya napeperwisyo ng husto ang mga pasahero.

Giit ni Magno, ipagtatanggol ng PNR ang “right of way” nito, king saan babala nito na ang sinumang mahuhuli na banta sa buhay ng mga pasahero ay mapaparusahan, alinsunod sa umiiral na batas.

Ang PNR ay mayroong 36 na istasyon, na ang ruta ay mula Tutuban-Calamba, at vice versa pero ang mga bagong Diesel Multiple Unit o DMU Rail Cars ay limitado mula sa biyaheng Tutuban-FTI at Malabon-FTI, at pabalik.

Facebook Comments