Pinaghahandaan na ng Philippine National Railways o PNR ang pagdagsa ng mas marami pang mga commuter na pawang mga estudyante dahil sa libreng sakay na inanunsyo ng Department of Transportation o DOTr.
Ayon kay PNR Spokesman Joseline Geronimo, libreng makakasakay sa kanilang mga tren ang mga mag-aaral sa mga itinakdang oras.
Ito ay alas-singko ng umaga hanggang alas-sais ng umaga, kung kailan nasa apat ang tren na bumibiyahe at alas-tres ng hapon hanggang alas-kwatro ng hapon, kung kailan nasa lima ang tren na available.
Aminado si Geronimo na may epekto sa kita ng PNR ang libreng sakay pero hindi naman umano masasaktan ng husto ang kanilang railway system.
Paliwanag ni Geronimo sa araw-araw na operasyon ng PNR, na ilan sa pinakamaraming bilang ng commuter nila ay mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at University of Santo Tomas (UST).
Kinumpirma naman ni Geronimo na sa Hulyo ay darating ang isa hanggang dalawang bagong tren.
Ito ay kabilang sa siyam na bagong train sets na inaasahang makukumpleto sa darating Disyembre.