PO3 Federico Macaya, pormal nang nagsampa ng kaso laban sa mag-amang Garin

Pormal nang sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal ni PO3 Federico Macaya Jr. sina Iloilo 1st District Rep. Richard Garin at Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin sa tanggapan ng Ombudsman sa Iloilo.

Kasunod pa rin ito ng insidente ng pambububog at pandudura ng mambabatas at panunutok ng baril ng alkalde kay Macaya kahapon.

Sa exclusive interview ng RMN Manila kay Macaya – kabilang aniya sa mga isinampa niyang kaso ay ang physical injuries, assault upon a person in authority, alarm and scandal, grave coercion at grave threats.


Samantala, epektibo rin ngayong araw kanselado na ang permit to carry firearms outside of residence at license to own and possess firearms ng mag-amang Garin.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde – alinsunod sa Section 39 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, may kapangyarihan ang PNP Chief na kanselahin ang mga permit at lisensya ng baril ng mga taong gumamit nito sa isang krimen.

Sa datos ng PNP, 11 ang baril ni Cong. Garin kung saan tatlo rito ang expired na ang lisensya habang walo naman ang kay Mayor Garin at lima rito ang expired na rin ang lisensya.

Kasunod ng pagkansela ng permit at lisensya ng mga baril, ipinag-utos na rin ni Albayalde ang agarang pagkumpiska sa mga ito.

Facebook Comments