Kinastigo ni Senadora Grace Poe ang Dito Telecommunity sa kawalan ng pagtataya kung magkano ang kailangan nitong gastusin bago nag-aplay ng prangkisa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, hindi rin sinang-ayunan ni Poe ang paggamit sa prangkisa ng Dito bilang kolateral para makakuha ng mas maraming funding o investments.
Ito ay makaraang tukuyin ng Asia-Pacific consulting firm CreatorTech, sa isang pag-aaral, ang posibleng kawalan ng kakayahan ng kompanya na makalikom ng sapat na puhunan para pondohan ang pagnenegosyo.
Ayon sa pag-aaral, para matupad ang ipinangako nitong US$3B spending sa unang taon nito, ang Dito ay mangangailangan pa ng US$2.5B bilang karagdagan sa US$500M na hinugot mula sa Bank of China credit facility nito.
“Given the current Balance Sheet, this US$2.5Mwould not come from equity. The only other source is debt. The sole lender is the Bank of China. Commercially, it is unlikely that the Bank of China on its own would extend the total amount. Funding would therefore appear to be a risk for Dito, and funding from China is seen as being extended for political reasons,” nakasaad sa added.
Nagbabala ang CreatorTech na ang pagkakaantala dahil sa iba’t ibang salik ay maaaring maging dahilan para hindi matupad ang mga ipinangako ng Dito. Magreresulta ito sa pagmumulta ng malaking halaga at ng posibleng pagbawi sa lisensiya nito. li
“Building a telecommunications network in the Philippines is extremely challenging due to natural and geographical conditions and the new telco may therefore not rise to these challenges as well as the two incumbent telcos have done,” ayon pa sa pag-aaral.
Inamin ni Dito Chief Administrative Officer Adel Tamano na ang Dito ay may 70-30 debt-to-equity ratio, na may P20 billion na equity at P150 billion na utang at shareholder advances para sa initial rollout nito ngayong taon. Kinumpirma rin niya na sa pagpapaliban sa franchise renewal ng Dito ay mas mahihirapan ang telco na makakuha ng karagdagang financing o loan approvals.
Ang Udenna Corp., ang holding firm ni Davao-based businessman Dennis Uy, ay nagtala ng mas mababang kita noong 2019, bago pa ang pandemya.
Iniulat ng Chelsea Logistics ni Uy, na ibinenta ang 25% ng stake nito sa Dito, ang net loss na P2.60 billion sa unang siyam na buwan ng 2020 dahil sa pandemya, kabaligtaran ng P20 million net income na naitala sa kaparehong panahon noong 2019..
Ang kita ng Chelsea ay bumaba ng 35 percent sa P3.33 billion sa nine-month period mula sa P5.15 billion noong isang taon.
Sa kabila ng bentahan, hawak pa rin ng Chelsea Logistics ang 25% ng Dito Telecommunity ‘indirectly‘ sa pamamagitan ng Dito Holdings.