POEA, nagbabala sa mga natatanggap na email na nag-aalok ng trabaho abroad

Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa publiko laban sa email scam na nag-aalok kunwari ng trabaho sa ibang bansa kapalit ng paghingi ng pera.

Payo ng POEA, huwag pansinin ang mga matatanggap na email na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa gaya ng Ireland, Poland, United Kingdom, Canada, America at iba pa.

Ang modus, pinapangakuan ng magandang trabaho ang kanilang bibiktimahin na may malaking sahod at kung anu-ano pang benepisyo na mahirap umanong paniwalaan.


Uutusan nila ang biktima na bisitahain ang kanilang website para kumuha ng ‘European Employment Package Processing’ na nagkakahalaga ng 1,500 Pesos.

Maliban dito, magbabayad in ang aplikante ng 1,200 Pesos para sa Courier Service, 16,000 Pesos para sa Visa Extension Service, at 20,000 Pesos para sa European Union Work Permit.

Giit ng POEA, ang mga alok na trabaho na humihingi ng pambayad para sa Seminar, Documentation, at Processing ng Visa at iba pang Travel Documents ay panloloko.

Facebook Comments