POGO investors, mawawala sa bansa

Nagbabala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na maaring mawala ang mga negosyo ng Philippine Offshore Gaming Operators’ (POGO) sakaling hindi maresolba ang paghihigpit sa tax rules kaugnay sa kanilang muling pagbubukas sa bansa.

Ito ay matapos mabatid ng PAGCOR na dalawang POGO firms na ang iniwan ang kanilang mga negosyo habang nananalasa ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), na kinumpirma naman ni PAGCOR chairman at CEO Andrea Domingo.

Kabilang sa POGO firms na isinara ang kanilang negosyo sa bansa ay ang Suncity Group na isa sa mga pinakamalaking kompanya na nangangasiwa ng offshore gaming operations.


Kasama rin sa nagsoli ng kanilang mga lisensya ay ang Don Tencess Asian Solutions na isa pang gaming operator, ayon kay PAGCOR Assistant Vice President Jose Tria.

Sinabi ni Tria na maaring sumunod ang iba pang offshore gaming operators sa pagsoli ng lisensiya dahil na rin sa hindi mapagkasunduang tax rules na gumigipit sa mga gaming operations habang may mga community quarantine na ipinatutupad.

Dagdag pa ni Tria, hindi rin mapipigil ang paglipat ng mga POGO kasabay ang POGO Service Providers (PSP) sa ibang bansa kung saan mas mababa ang buwis at mga overhead expenses pero sa kabila nito, idiniin niya na ginagawa ng kanilang ahensya ang lahat upang matulungan ang mga PSPs na makakuha ng mga kinakailangang requirements upang makapag-operate muli.

Ayon pa kay Tria, ang isa sa mga pangunahing alalahanin ng mga PSP ay ang pag-impose ng franchise tax at sinabi niya na maari itong idulog sa mga korte sa Pilipinas sapagkat mayroong “lack of expertise” ang PAGCOR pagdating sa issue ng buwis.

Ang pagpasok ng mga PSP ay nagdala ng mabilisang paglago ng ekonomiya at pagtaas ng real estate prices sa bansa na maaring malugmok kung magkakaroon ng sunod-sunod na pagsoli ng lisensiya ang mga POGO operators.

Facebook Comments