Pinuri ng actress-comedienne na si Pokwang ang pagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Bise Presidente Leni Robredo sa paghingi nito ng tulong sa mga pribadong sektor.
Bukod daw sa mga gumagaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), maituturing din na magandang balita ang nasabing aksyon.
“Salamat po Mr. President! Sana laging ganito. God patnubayan n’yo po at gabayan ang aming bayan at ang aming presidente at bise-presidente,” sabi ni Pokwang sa Instagram post niya.
Sinang-ayunan naman ito ng mga kaibigang sina Kakai Bautista at Angelica Panganiban.
Sa speech ni Duterte noong Abril 1, sinabi niyang walang ginagawang mali ang pangalawang pangulo kaya hindi ito dapat pa-imbestigahan.
Nag-ugat ang isyu matapos sabihin ni dating Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Manuelito Luna na dapat siyasatin ng National Bureau of Investigation (NBI) si Robredo.
Ayon kay Luna, tila kinokompetensiya ng mataas na opisyal ang administrasyong Duterte sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil sa naturang pahayag, hindi nag-atubili si Duterte na sibakin sa puwesto si Luna.
“Gusto niya na ipaimbestiga si Leni kung bakit nag-solicit. Kaya nga nung narinig ko, sabi ko, ‘Fire him. As of this moment, he is no longer connected with the government.’”
“Ako, panahon nang i-criticize ko si Leni, sometimes the language that I use is very…pero itong panahon na ito na wala namang kasalanan ang Vice-President, nag-ano nga na magtulong, bakit ipa-imbestiga?” saad pa ng Pangulo.