Pola mayor, umapela ng pangmatagalang trabaho para sa mga mangingisdang apektado ng oil spill

Nanawagan ang munisipalidad ng Pola ng pangmatagalang tulong para sa mga mangingisdang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Sa panayam ng DZXL, sinabi ni Pola Mayor Jennifer Cruz na higit na kailangan ng kanyang mga residente ng alternative livelihood program.

Matatagalan pa kasi aniya bago makabalik sa pangingisda ang mga tao dahil na rin sa tindi ng pinsala ng oil spill.


Sa ngayon, nagbigay na ang pamahalaan ng cash-for-work program habang bigas ang tulong na natatanggap nila mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

“Yun po ang hinihintay naming programa, any other livelihood program for them na hindi na kailangan dun sa dagat natin kasi nga for almost 11 days po na nakahinto sila sa pangingisda. Hindi naman pwede na ibibigay natin na, ‘o eto yung tulong.’ So, at least po meron silang cash-for-work for 11 days,” ani Cruz.

“Pero [sana] yung pangmatagalan po na trabaho at livelihood program ang maibibigay natin sa kanila kasi matatagalan pa bago sila makabalik sa pangingisda kasi lilinisin pa ito and hanggang kelan yung tagas ng langis kasi contaminated yung ating shoreline,” paliwanag niya.

Nabatid na aabot sa 1,700 mangingisda ang apektado ng oil spill sa bayan ng Pola.

Facebook Comments