Iniharap na sa piskalya ng Quezon City Police District LtCol. Mark Julio Abong, ang police official na sangkot sa pagpapaputok ng baril at pananakit ng waiter sa isang restaurant sa Scout Rallos, QC.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Red Maranan, nahaharap sa patung-patong na kasong illegal discharge of firearms, alarm and scandal, paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in Relations to Omnibus Election Code, Resistance and Disobedience to a Person in Authority at Slander si Abong.
Napag-alaman na alauna ng madaling-araw kahapon nang arestuhin ng mga tauhan ng Kamuning Police Station ang lasing na si Abong na nagwala sa loob ng Ralyoz Bar.
Sa imbestigasyon ng QCPD, lumalabas na kinwelyuhan ng opisyal ang waiter na si Joseph Matuguina dahil hindi raw sila nagkaintindihan nang hanapin ng pulis ang manager ng bar na si Lyn Pineda.
Matapos ang komosyon sa loob ng bar, lumabas ang police colonel, naglabas ng kanyang Glock Cal. 40 at dalawang beses nagpaputok.
Sa tanggapan ng CIDU sa Camp Karingal ay nagtangka pang tumakas ang opisyal pero ito ay napigilan ng mga pulis.
Sabi ni Gen. Maranan, nagkausap na rin sila ni QC Mayor Joy Belmonte dahil hinihingi ng alkalde sa QCPD kung ano ang tunay na estado ni Abong sa PNP.
Nais malaman ni Belmonte kung bakit hindi agad naipa-implementa ang dismissal order ng PLEB noong nakalipas na taon.
May kinalaman ang dismissal from service ni Abong sa tangka nitong cover-up sa kasong hit and run na kinasangkutan ng kanyang sasakyan na ikinamatay ng isang tricycle driver at ikinasugat ng isa pa.
Batay sa rekord na hawak ng QCPD, muling naitalaga sa PNP Legal Service sa Camp Crame si Abong habang dinidinig pa ang inihain nitong Mosyon sa National Police Commission.