Police lieutenant colonel ng SPD na sinasabing pumatay at nag-chop-chop sa katawan ng kapwa-pulis, nakakulong na

Hawak na ng Southern Police District ang tauhan nilang isang police lieutenant colonel na sinasabing pumatay at nagputol-putol sa katawan ng kapwa-pulis sa Camp Bagong Diwa sa Lower Bicutan, Taguig City.

Nabatid na pinagbabaril ng suspek ang kasamahan nitong pulis matapos daw na maaktuhan nito ang kanyang misis at ang biktimang pulis na nasa intimate na sitwasyon.

Ayon kay Police Major Hazel Asilo, public information officer ng SPD, lumalabas sa imbestigasyon na matapos mabaril ng suspek ang police executive master sergeant, nilagari ang katawan nito at dinala sa kanyang probinsya sa Baguio City.


Ibinaon aniya ng suspek ang putol-putol na katawan ng biktima sa compound ng kanilang tahanan.

Unang idineklarang nawawala ang biktima at base sa pahayag ng anak nito ang huling pinuntahan ng kanyang ama ay Camp Bagong Diwa.

Ayon kay Asilo, ang suspek na pulis at maybahay nito ay kapwa kakasuhan ng murder.

Facebook Comments