Hiniling ni Committee on National Defense and Security Vice Chairman at Muntinlupa Representative Ruffy Biazon sa Philippine National Police (PNP) na repasuhin na ang police operational procedures (POP) na may kaugnayan sa pangangalap at pag-iingat ng mga ebidensya.
Ito ay matapos matuklasan na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na pumatay sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac, ay naharap sa dalawang kaso ng grave misconduct involving homicide noong 2019 pero kalaunan ay na-dismiss dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Kaugnay nito ay kailangan na aniyang magsagawa ng reporma sa nasabing police procedure upang matiyak na makakalap ang mga ebidensya tuwing may police operation para mailatag ang pagiging inosente o probable cause sa oras na humarap na sa paglilitis ng korte.
Iginiit din ni Biazon na hindi dapat ituring ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng PNP na isolated case ang pagpaslang ni Nuezca kina Sonya at Anthony Gregorio ngunit dapat ay tingnan ito na sakit sa institusyon na isang indikasyon na mayroong mali sa sistema.
Tinukoy ng kongresista na posibleng ang pagkakamali o pagkukulang ay nasa methodology o curriculum ng training, skills, mental health at discipline, sa standard operating procedures o protocols.
Sakali namang lumabas sa kanilang evaluation na may mga kinakailangang reporma na ipatupad ay nakahanda naman ang Kamara na sumuporta dito sa pamamagitan ng lehislasyon o kaya naman ay magsagawa ng imbestigasyon.