Manila, Philippines – Suportado ni Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa ang panukalang gamitin na rin sa mga pulis ang ranggo sa militar.
Ito ay matapos maaprubahan sa ikalawang pagbasa ang house bill 5236 na layong tugunan ang pagkalito ng publiko sa police ranks at linawin din ang command at responsibility ng mga bumubuo ng PNP.
Ayon kay Dela Rosa, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nalilito sa pagtawag sa mga opisyal ng pulisya kaya hiniling nila sa kongreso ang panukalang ito.
Paglilinaw naman ni Dela Rosa na terminology lang ang magbabago at hindi ang civilian character ng PNP.
Sa oras na maging ganap na batas, ang ranggong director general ay magiging police general, ang deputy director general ay police lieutenant general, ang ranggong director ay magiging police major general, ang chief superintendent ay magiging police brigadier general, police colonel ang senior superintendent, at police lieutenant colonel naman ang superintendent.