Police Regional Office 10, magtatalaga ng mahigit 1,000 pulis sa darating na Undas 2025

Pinaigting na ng Police Regional Office 10 (PRO-10) ang seguridad sa nalalapit na pag-alala ng Undas sa Northern Mindanao.

Napag-alaman na aabot sa 1,100 ang mga pulis na ide-deploy sa buong rehiyon bilang paghahanda sa Undas.

Katuwang ng PRO-10 ang ibang mga government agency gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG), force multipliers, radio group, at mga non-government office (NGO).

Ang nasabing mga personnel ay nakaantabay sa mga sementeryo, transport terminal, seaports, at airports.

Aabot naman sa 222 Police Assistance Desk ang itinayo ng PRO-10 sa mga strategic location na maaring lapitan ng mga tao na nangangailangan ng tulong.

Sa nakalipas na taon, umabot sa 672,000 katao ang naitalang bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa buong rehiyon.

Dahil dito, pinaalalahanan ni PBGen Christopher Abrahano ang Acting Regional Director ng PRO-10 ang kapwa nitong mga pulis na ipatupad ang PPR framework o ang ‘Prepare, Prevent and Respond’ sa darating na pag-alala ng Undas 2025.

Facebook Comments