Magtatalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mga dagdag na police units sa ilang mga lugar sa Sorsogon upang maiwasan ang insidente ng looting o nakawan kasunod ng phreatic eruption ng Bulkang Bulusan.
Ayon kay PNP Director for Operations Maj. Gen. Valeriano de Leon, inatasan ang mga naturang kapulisan na i-secure ang mga business establishment laban sa posibleng mga insidente ng looting at tiyakin ang seguridad ng mga apektadong residente doon.
Dagdag pa ni De Leon na prayoridad ng PNP na agarang paglikas ng mga pamilyang naninirahan sa mga danger zone patungo sa ligtas na lugar.
Nakahanda na rin aniya ang mga kinakailangang sasakyan na gagamitin para sa rescue operation at inatasan na rin ang mga unit commander ng Albay at Sorsogon na tumulong sa pag-secure ng mga evacuation center kung saan dadalhin ang mga residente.
Samantala, tumutulong na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) Station Sorsogon sa road clearing operations sa Barangay Puting Sapa, Juban, Sorsogon at naka-alerto rin ito sa mga aktibidad ng Bulkang Bulusan.