Police visibility sa mga terminal ng bus, paiigtingin ng JTF COVID Shield

64

Dahil sa pagsisimula bukas ng biyahe ng mga bus galing Manila patungo sa mga probinsya, inatasan ni PNP Chief General Camilo Cascolan ang Joint Task Force COVID Shield na ialerto ang mga police commander.

Ito ay para magpatupad ng mas maigting na police visibility sa mga terminal ng bus.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang presenya ng mga pulis sa mga terminal ng bus ay makatutulong para matiyak na may disiplina ang mga pasahero sa harap ng inaasahang dagsa ng tao.

Sinabi pa ni Eleazar na kailangan nilang matiyak na sumusunod ang mga empleyado ng mga bus company at mga pasahero sa minimum health safety standard protocol partikular ang pagsusuot ng face mask at face shield at pagsasagawa ng physical distancing.

Hinikayat naman ni Eleazar ang publiko na isumbong sa kanila ang mga makikitang lumalabag sa mga quarantine protocols.

Facebook Comments