Magkakaroon ng policy shift ang pamahalaan hinggil sa pagpapatupad ng mga community lockdown.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, tinalakay na sa meeting ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng sub technical working group ng data analytics ng Department of Health (DOH) kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na sa halip na malawakang pagpapatupad ng lockdowns gagawin na lamang itong granular lockdown na ang ibig sabihin ay kung saang kalye, gusali, komunidad, compound o barangay ang may kaso ng COVID-19 ang isasara.
Base sa obserbasyon ng sub-technical working group nakitang mas epektibo ang granular lockdown kaysa malawakang lockdown na nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay Roque, lahat ng rekomendasyon ng IATF sa mga pagbabago ng patakaran sa pagpapatupad ng Quarantine Classification ay kailangang may “go” signal ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit pa ng kalihim, mas mabuting hintayin na lamang ang magiging patakaran at quarantine classification na ipatutupad ng pamahalaan sa pagpasok ng buwan ng Setyembre.