Kinakailangan na ring maihanda ng gobyerno ang mga polisiya o patakaran para matugunan ang lumalaking bilang ng mga nakatatandang populasyon sa bansa sa mga susunod na panahon.
Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Commission on Population and Development Executive Director Lolito Tacardon na ang suhestyong ito ay sa harap ng nagbabagong age structure sa Pilipinas kung saan patuloy na dumarami ang nakatatandang populasyon.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Tacardon na nasa 5.4 percent na ang mga Pilipinong nasa edad 65 pataas.
Ngunit wala pa naman aniya sa tinatawag na ageing population ang Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa Europe at sa Southeast Asia.
Sa kabuuan naman aniya ng populasyon sa buong bansa ay nasa 8.5% ang mga senior citizen sa Pilipinas.
Dapat na rin aniyang silipin sa ilalim ng konteksto ng polisiya kung papano matitiyak ang kapakanan ng mga nakatatanda habang dumarami ang bilang ng mga ito.
Layunin nitong maging malusog ang mga Pilipino pagsapit sa edad ng pagiging senior ngunit mananatili pa ring produktibo at may maging kontribusyon pa rin sa ekonomiya.