Political amendments, pinangangambahang maisingit sa Cha-Cha

Nabahala si ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi malabong maisingit ang political amendments sa deliberasyon ng Charter Change (Cha-Cha) sa Kongreso.

Sa pagdinig pa rin ng House Committee on Constitutional Amendments, nagpahayag ng pagkabahala si Castro na kahit pa nakasentro lang ang House panel sa pagtalakay ng restrictive economic provisions ng 1987 Constitution ay posible namang mag-iba ng direksyon ang Senado at buksan ang pag-amyenda sa political provisions.

Bagama’t sa economic provisions nakatutok ang Cha-Cha sa Kamara, economic provisions at democratic representations naman ang sa Senado kung saan matatalakay dito ang “scope of power” at “term limits” ng mga halal na opisyal.


Lalo ring nabahala si Castro matapos sabihin ni Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., na anuman ang maging produkto ng Cha-Cha sakaling umabot sa bicameral conference committee ay siyang raratipikahan at hiwalay na pagbobotohan ng 3/4 ng mga miyembro ng Kongreso.

Samantala, isinusulong naman nila Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Albay Rep. Edcel Lagman ang joint voting ng Kongreso para sa economic Cha-Cha.

Iginiit ni Marcoleta na hindi naman categorically na sinasabi na separately o jointly ang paraan ng pagboto sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Dagdag pa nito, kung ang Kongreso ay mag-convene bilang ConAss ay ikinokonsidera ang mga miyembro nito bilang magkakasama o ‘component elements’ at hindi na sila kabilang sa magkahiwalay na bicameral assembly.

Ganito rin ang argumento ni Lagman kung kaya’t magsusumite siya ng position paper na tumutukoy sa November 1967 na Supreme Court ruling na Gonzales vs. Comelec kung saan nakasaad na ang mga senador at mga kongresista na nagsusulong ng amyenda sa Konstitusyon ay hindi myembro ng Kongreso kundi umaaktong constituent members ng assembly kaya joint voting at hindi hiwalay ang paraan ng pagboto.

Facebook Comments