Hindi umubra kay House Constitutional Amendments Committee Chairman at Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon para gawing limang taon at dalawang termino ang kasalukuyang tatlong taon at tatlong termino ng mga kongresista.
Ito ay ang Resolution of Both Houses No. 8, na inihain ni Ilocos Norte Representative Angelo Barba na layuning amyendahan ang political provisions ng saligang-batas.
Ayon kay Rodriguez, tanging ang pag-amyenda lamang sa mga economic provisions ng konstitusyon ang isinusulong ng House of Representatives, sa ilalim ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ipinaalala rin ni Rodriguez ang mga pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang nais lamang nitong maamyendahan ay ang economic provisions ng 1987 Constitution.