Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi emergency powers ang kailangan ng Pangulo para ire-organisa ang PhilHealth kundi totoo at honest-to-goodness na strong political will.
Mungkahi rin ni Lacson na unang dapat gawin ng Pangulo ay ang pagsibak sa ex-officio chairman ng PhilHealth na si Health Secretary Francisco Duque para palitan ng taong may mahusay na katangian sa pamumuno, may competence, katapatan at integridad.
Diin ni Lacson, ang dapat maupong chairman ng PhilHealth Board ay hindi yaong naghuhugas ng kamay at hindi tumatalikod sa responsibilidad sa mga sablay ng ahensya.
Sinabi pa ni Lacson, maaari namang ipatugis ng Pangulo ang mga tiwali sa PhilHealth sa pamamagitan ng pagpapakilos sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Department of Justice at iba pang ahensya sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.
Tiniyak naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na tututulan nila sa Senado ang panukalang emergency powers para sa Pangulo dahil malinaw sa konstitusyon na mayroon na ito ngayong sapat na kapangyarihan para ire-organisa at resolbahin ang korapsyon sa PhilHealth.