Manila, Philippines – Tiniyak ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na hindi mangyayari ang re-enacted budget sa ilalim ng liderato ni House Speaker Gloria Arroyo.
Ayon kay Andaya, matatag ang posisyon ng Kamara laban sa re-enacted budget dahil makakaapekto ito sa pagpapatupad ng mga proyekto at sa government spending lalo pa at hybrid ang sistema ngayon ng P3.757 Trillion 2019 national budget.
Giit ng kongresista, 100% na susunod ang liderato ng Mababang Kapulungan sa rules ng Kongreso pagdating sa alokasyon ng mga pondo.
Siniguro din ni Andaya sa Senado na agad isusumite ang 2019 budget sa oras na matapos ang pagsasaayos at verification sa libu-libong line items na mga proyekto.
Sinabi naman ni Appropriations Vice Chairman Maria Carmen Zamora na target nilang maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang national budget sa November 28.
Dagdag pa ng mga mambabatas, makatitiyak na bago matapos ang taon ay maisusumite at mapipirmahan na ni Pangulong Duterte ang 2019 national budget.