Muling umapela si ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na dagdagan ang pondo ng Department of Education (DepEd) sa susunod na taon.
Sa budget deliberation ng DepEd ay inilatag ni Castro ang mga karaniwang problema na nararanasan ngayon ng mga guro at mga estudyante sa ilalim ng blended learning.
Partikular dito ang kawalan ng malakas na internet signal, error sa mga modules, kawalan ng access sa gadgets, security issues sa mga online class at maraming iba pa.
Sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program (NEP) ay aabot lamang sa ₱606 billion ang pondo ng DepEd, malayo sa orihinal nitong budget proposal na ₱1.1 trillion.
Dahil dito, nanawagan si Castro sa mga kasamahang mambabatas na dagdagan ang pondo ng ahensya para mapalakas ang IT support sa mga guro, module printing, health measures sa mga paaralan, at pondo para sa medical check-up ng mga school personnel.
Pinasusuportahan din sa ahensya ang libo-libong empleyado na nangangailangan ngayong may pandemya.
Ayon kay Appropriations Vice Chairman Jocelyn Limkaichong, ang sponsor ng budget sa plenaryo, aabot na sa 10,426 ang job order at contract of service personnel ng DepEd.