Ngayong buwan ng Agosto ay nanganganib ng maubos ang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pantulong sa napakaraming Overseas Filipino Workers (OFWs) na stranded sa iba’t ibang bansa dahil sa pandemya.
Ito ang sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Sarah Arriola sa pagdinig ng Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Senator Joel Villanueva.
Ayon kay Arriola, nitong June 3, 2020 ay nagamit na ng DFA sa pagpapauwi sa OFWs ang 66% ng isang bilyong “assistance to nationals” fund nito.
Sabi ni Arriola, simula noong Marso ay nasa 54,736 OFWs na ang nakauwi mula sa 57 bansa at 110 cruise ships.
Binanggit ni Arriola na ngayon ay nasa 168,000 pang OFWs ang gustong umuwi na karamihan ay nasa Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE).
Inaasahan naman aniya sa susunod na dalawang hanggang tatlong linggo ang pagdating sa bansa ng 27,466 OFWs.
Naungkat din sa padinig ang paglalaan ng DFA ng standby fund sa mga embahada at konsulada para magamit sa emergency supplies, pagkain, gamot at accomodation ng mga Pilipinong apektado ng pandemya.