Pondo ng DOTr, iginiit na gamitin agad para makabangon ang ekonomiya

Aabot sa ₱120 bilyong pondo ang ipinanukala ni Sen. Grace Poe para sa Department of Transportation (DOTr) sa 2022 na inaasahang maipapamahagi o magagamit nito ng mas mabilis.

Iginiit ito ni Poe sa DOTr kaakibat ng pagpuna sa mababang disbursement rate o paggastos ng ahensya na posibleng makaapekto sa pagbibigay serbisyo sa mamamayan lalo ngayon na nagsusumikap tayong bumangon mula sa pandemya.

Ang naturang budget ay gagamitin para sa anim na rail project, 18 paliparan, 46 na pier, walong road project.


Kasama rin dito ang salary adjustment ng mga empleyado ng DOTr para makatugon sa salary standardization program at pagkuha ng karagdagang tauhan sa Philippine Coast Guard.

Sinabi ni Poe na isa sa pangunahing inamyendahan sa budget ay ang paglalaan ng ₱10.83 bilyon para pondohan ang kasalukuyang mga road project.

Kabilang dito ang service contracting ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, active transport, modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan, EDSA busway at rehabilitasyon ng mga terminal.

Diin ni Poe, Ang hamon ngayon ay nasa kamay ng DOTr na magamit ang pondo nang mas mabilis at matiyak na makarating ito sa mga dapat nitong matulungan.

Facebook Comments