Pondo ng DTI sa 2022, pinadaragdagan para matulungan ang MSMEs na apektado ng COVID-19

Isinusulong ng ilang mga kongresista sa Kamara na dagdagan ang pondo ng Department of Trade and Industry (DTI) sa 2022.

Mula sa House Resolution 2228 na inihain nina Valenzuela Rep. Wes Gatchalian, Marikina Rep. Stella Quimbo, Navotas Rep. John Reynald Tiangco at Quezon Rep. David Suarez, hinihikayat nila ang Kamara na itaas ang P23.7 billion na pondo ng DTI para sa taong 2022 at dagdagan ito ng P1.62 billion.

Hirit ng mga kongresista ito ay para matulungan ang Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na nasapul ng COVID-19 pandemic.


Paliwanag ng mga mambabatas, ang panukalang 2022 bugdet ng DTI ay kukulangin para masaklolohan ang nasa 1 million na rehistradong MSMEs at maging ang nasa 4 million na hindi rehistradong MSMEs na apektado rin ng health crisis.

Noong pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2022 budget ng DTI, nadismaya ang mga mambabatas sa maliit na alokasyon na ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa ahensya para sa MSMEs, gayong marami sa mga ito ang nagsara o kaya ay nagbawas ng mga tauhan dahil sa pandemya.

Facebook Comments