
Nananatiling sapat ang pondo ngayon at hindi pa kailangan ng supplemental budget para matulungan ng gobyerno ang mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ito ang tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagdinig ng House Committee on Foreign Affairs at Committee on Overseas Workers Affairs uko sa epekto ng tensyon sa Middle East sa mga Overseas Filipino.
Sa hearing ay binanggit ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na P200 million pesos ngayon ang Aksyon Fund habang may inaasahan pang P800 million mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang Aksyon Fund ay multi-bilyong pisong welfare fund para agarang matugunan ang pangangailangan ng mga OFWs tulad ng legal, medical, repatriation and humanitarian support.
Sa hearing ay binanggit naman ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na 18-percent pa lamang ang nagagamit sa Emergency Relief Funds (ERF) kaya may balanse pang P1.4 billion na handang gamitin kung kakailangan ang magkasa ng large-scale evacuation.










