Inaprubahan na ng National Economic and Development Authority Board o NEDA Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang P29.3 bilyon na pondo para sa Philippine Coast Guard.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, gagamitin ang pondo para sa Phase 3 ng Maritime Safety Capability Improvement Project ng PCG kabilang dito ang design, construction at limang units ng Multi-Role Response Vessels o MRRVs, na may habang 97 metro.
Paliwanag pa ni Balisacan na inaasahang sa loob ng limang taon ay mapapaigting at mapalalakas ang kakayahan ng PCG na tumugon sa mga banta at insidente sa karagatan ng bansa.
Lalo na aniya sa pangangalaga at pagprotekta sa sea lines na saklaw ng bansa gaya ng West Philippine Sea, Sulu-Celebes Seas at Philippine Sea.
Dagdag pa ng NEDA na ang proyektong pinondohan sa pamamagitan ng utang sa Official Development Assistance o ODA ng Japan ay makatutulong sa PCG upang sugpuin ang mga illegal na aktibidad at paigtingin pa ang mga batas sa karagatan ng Pilipinas.