Posibleng isang taon na lang ang itatagal ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng isyu ng korapsyon sa ahensiya.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa umano’y iregularidad at korapsyon sa PhilHealth.
Ayon kay PhilHealth Acting Senior Vice President Nerissa Santiago, ngayong 2020 tinatayang aabot sa 90 bilyong piso ang operating loss nila dahil sa COVID-19 payments.
Habang sa 2021 kung wala pa ring bakuna, aabot sa 147 bilyong piso ang magiging operating loss nito.
Samantala, inamin ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales na kailangan ng tulong ng kanilang korporasyon para resolbahin ang sinasabing iregularidad sa ahensya dahilan para mawala ang bilyon-bilyong pondo sa PhilHealth.
Paliwanag ni Morales, maraming dapat ayusin sa PhilHealth kaya dapat itong tulungan at wag pagtulungan.
Bagama’t may negative publicity na ang PhilHealth, patuloy pa rin aniyang nagsisikap ang mga opisyal nito para ipatupad ang mga reporma sa ahensya.