Manila, Philippines – Nagbanta si Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor na haharangin ang pondo para sa 2020 ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth.
Ito ay sa gitna na rin ng mga anomalyang bumabalot ngayon sa tanggapan.
Ipinagtataka ni Defensor ang pagpigil ng PhilHealth sa Commission on Audit (COA) na suriin ang 2018 benefit claims expenses nito.
Dahil dito, kukumbinsihin niya ang Committee on Health na harangin ang pondo ng PhilHealth hanggat hindi naipapaliwanag ng mga opsiyal nito kung paano ginastos ang benefit expenses.
Sa hawak niyang report, gustong suriin ng COA ang all case rates (ACRS) transactions o ang data base na naglalaman ng lahat ng medical claims sa PhilHealth noong nakaraang taon na may inilaang budget na P62.693 billion pesos.
Hindi pinaunlakan ng PhilHealth ang pagsusuri kahit na makailang ulit na nagpaabot ng verbal at written request ang state auditor na ma-access ang buong ACRS ng tanggapan.