Dumipensa si Department of Social Welfare & Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista hinggil sa alegasyong ipinupukol sa ahensya ni Sen. Manny Pacquiao kaugnay ng umano’y iregularidad sa pamimigay ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Bautista na nakahanda ang lahat ng kanilang dokumento para bigyang linaw ang alegasyon ng senador.
Binigyang diin pa ni Bautista na lahat ng pondong ibinigay sa mga financial service provider ay all accounted for at walang nawawala.
Suportado aniya ng liquidation reports ang lahat ng ayudang ipinamahagi nila at maaari nila itong ipakita sa imbestigasyon kung kakailanganin.
Maliban dito, ipinaliwanag ng kalihim na ang pagpili sa financial service provider ay natukoy sa pamamagitan ng technical assistance ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at dumaan sa regulasyon sa pananalapi.
Dahil dito, sinabi ni Bautista na nakasisiguro sila na ang mga prosesong isinagawa sa mga payout ay aprubado ng BSP at naayon sa umiiral na accounting rules and procedures ng pamahalaan.