Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi mauuwi sa reenacted budget ang ₱5.268 trillion na 2023 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Zubiri, wala namang ‘controversial’ sa pondo ng susunod na taon kaya wala siyang nakikitang hadlang na hindi ito maaaprubahan agad.
Aniya pa, halos ‘identical’ o pareho lang ang 2023 budget sa ₱5.024 trillion na pondo ngayong 2022 na may ₱200 billion lang na idinagdag.
Para sa Senate president, pinakamahalaga ngayon ay dapat mapondohan ang mga ahensya na sa kanilang tingin ay karapat-dapat mabigyan ng pondo.
Hanggang sa susunod na linggo ay target na tapusin ang budget hearing ng lahat ng ahensya sa committee level.
Target naman na mapagtibay sa ikalawa, ikatlo at huling pagbasa ang 2023 National Budget hanggang sa katapusan ng Nobyembre at sa una hanggang ikalawang linggo ng Disyembre ay inaasahang mapapagtibay na ito sa bicameral conference committee at mararatipikahan na.
Nauna namang sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na December 15 o bago ang Pasko ay inaasahang malalagdaan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang pambansang pondo sa susunod na taon.