Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi ang pondo para sa pagbibigay ng cash aid sa 80% ng population ng Metro Manila kasunod ng nakatakdang pagsasailalim dito sa dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na bawat isa ay makakatanggap ng P1,000 cash aid o maximum na P4,000 kada low-income family.
Hindi bababa sa 10.8 milyong indibidwal sa Metro Manila o 80% ng 13-milyong populasyon sa rehiyon ang makakatanggap ng ayuda.
Umapela naman ang senador sa mga Local Government Unit (LGU) na tiyaking maibibigay agad ang cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa isang maayos, mabilis at ligtas na paraan na walang katiwalian.
Una nang sinabi ng Malacañang kahapon na makakatanggap ng ayuda ang mga mahihirap na residenteng maaapektuhan ng ECQ simula August 6 hanggang 20.