Pondo para mapalakas ang salt industry sa bansa, pinadadagdagan ng Senado

Ipinapaprayoridad ni Senator Imee Marcos sa kapatid nitong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang paglalaan ng dagdag na pondo para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

Ang mungkahi ng senadora ay kaugnay na rin ng kakapusan sa suplay ng asin sa bansa na naging sanhi ng pagtataas sa presyo ng mga produktong gumagamit ng asin tulad ng tuyo, daing, bagoong at iba pa.

Dismayado si Marcos sa kakulangan ng suplay ng asin sa bansa gayong kilala ang Pilipinas na panlima sa may pinakamahabang baybaying dagat na may sukat na 36,000 km pero mahigit 90% naman ng asin ay imported pa mula Australia at China.


Dahil dito, makikipag-ugnayan ang senadora sa kapatid na si PBBM upang irekomenda ang pagtutok din ng presidente sa asin bukod sa asukal at bigas.

Kasabay nito, imumungkahi rin ni Marcos sa pangulo ang pagdadagdag ng pondo sa BFAR upang maibangon ang salt industry ng bansa.

Sa dagdag na pondo ay paghuhusayin ang mga pag-aaral, pagtuturo ng bagong kaalaman, technical assistance, paggamit ng mga modernong teknolohiya at makinarya para muling mapalakas ang industriya ng pag-aasin.

Facebook Comments