Pondo para sa Assistance to Nationals sa mga OFW, pinadadagdagan

Pinadadagdagan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pondo ng Assistance to Nationals (ATN) ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2.

Ayon kay Cayetano, sa ilalim ng Bayanihan 2 ay aabot ng ₱820 million ang budget augmentation para sa ATN fund.

Sinabi ng Speaker na kailangang madagdagan ang budget sa ATN upang matiyak na tuloy-tuloy ang repatriation efforts, medical assistance, pagbiyahe sa mga labi ng mga nasawing Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa COVID-19 at iba pang welfare programs para sa mga distressed workers sa abroad.


Dahil dito, umaasa si Cayetano na mas marami pang kababayan ang maiuuwi sa bansa pagsapit ng Setyembre hanggang Disyembre.

Kabilang din sa pinopondohan ng ATN ang medical assistance, maintenance ng shelters na pansamantalang tinutuluyan ng mga ire-repatriate na mga OFWs gayundin ang Immigration penalties at iba pang bayarin para sa exit visa.

Nangako ang Speaker na gagawin ng Kamara ang lahat upang maisama ang dagdag na pondo sa panukalang Bayanihan 2 at sa mas mabilis na repatriation ng mga OFW.

Facebook Comments