Pondo para sa bakuna laban sa COVID-19 sa 2021, tinaasan na sa ₱8-B

Dinagdagan pa ng Kamara ang pondo para sa COVID-19 vaccines sa susunod na taon.

Tumaas na sa ₱8 billion ang pondo para sa bakuna laban sa COVID-19 matapos aprubahan ng small committee na pinamumunuan ni Majority Leader Martin Romualdez ang ₱5.5 billion na procurement para sa COVID-19 vaccines sa 2021.

Hiwalay pa ito sa naunang alokasyon para sa COVID-19 vaccines ng Department of Health (DOH) na ₱2.5 billion.


Ayon kay Romualdez, ang hakbang na dagdagan pa ang pondo para sa COVID-19 vaccines ay bilang suporta na rin sa programa ng gobyerno na palakasin ang health care system ng bansa.

Naniniwala si Romualdez na malaki ang gampanin ng bakuna para sa pagpapanatiling ligtas at malusog ang populasyon laban sa pandemya.

Dagdag pa ng Chairman ng Rules Committee sa Kamara, tinitiyak nito na sila ay nagtatrabaho at tumutupad sa constitutional duty na tiyaking protektado at available para sa lahat ng mga mahihirap na Pilipino ang COVID-19 vaccine.

Ang dagdag na pondo para sa COVID-19 vaccines ay bahagi ng inaprubahang ₱20 billion na institutional amendments sa ₱4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021.

Facebook Comments