Iginiit ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na kailangang maipasa ang panukalang 2021 national budget para mapaglaanan ng pondo ang pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Nograles, nakapaloob sa budget proposal para sa susunod na taon ang pagbili ng anti-COVID-19 vaccines.
Dagdag pa ni Nograles, hindi maaaring mabulilyaso ang 2021 budget dahil nilalaman nito ang mga pondong gagamitin ng pamahalaan para sa COVID-19 response.
Kapag hindi naipasa sa tamang oras ang pambansang pondo, sinabi ni Nograles na mapipilitan ang pamahalaan na gumamit ng reenacted budget kung saan walang budget item para sa pagbili ng bakuna.
Kailangan ding maghanap ng gobyerno ng iba pang mapagkukunang pondo para dito sakaling mapurnada ang budget approval.
Ang Pilipinas ay kasali sa Solidarity Trials ng World Health Organization at COVID-19 Vaccines Global Access Facility o COVAX, isang proyekto na layong magkaroon ng patas na access ang lahat ng bansa sa COVID-19.
Nagkikipagtulungan din ang Pilipinas sa Russia, China at Estados Unidos, mga nangungunang bansa sa pag-develop ng COVID vaccine.