Aabot lamang sa P2.5 billion ang pondong inilaan ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 vaccines sa 2021.
Sa pagpapatuloy ng budget hearing sa Kamara, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa pagtatanong ni House Committee on Appropriations Vice Chairman Junie Cua na P2.5 billion ang alokasyon para sa COVID-19 vaccines kung saan target na bakunahan ang mga vulnerable sector katulad ng mga medical frontliners, barangay health workers at mga kabilang sa indigent group katulad ng mga matatanda at mga maysakit.
Ito muna ang pondong ipinanukala para sa bakuna dahil mayroon aniyang scheme na maaaring umutang ang isang indibidwal sa Landbank of the Philippines para ma-cover ang iba pang mangangailangan ng bakuna.
Pero para masakop ang target na 20 million na mga Pilipino na kabilang sa “most” at “at risk sector”, mangangailangan ng P12.9 billion na pondo para sa COVID-19 vaccines.
Paglilinaw dito ni Cabotaje, hindi mababakunahan ang lahat ng mga Pilipino dahil magiging katuwang din dito ng gobyerno ang mga pribadong sektor para sa pagbibigay ng COVID-19 vaccines.
Nakahanda na rin aniya ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Local Government Units (LGU’s) at ang DOH para sa magiging distribusyon ng bakuna.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng ahensya kung dadagdagan ang kanilang storage facility para sa COVID-19 vaccine.