Iginiit ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes na maipaloob sa 2023 National Budget ang pondo para sa dagdag na pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.
Bunsod nito ay nagsumite na si Ordanes ng proposal para sa pondo ng pension hike sa binuong “small committee” ng Kamara na tatanggap ng mga amyenda mula sa mga kongresista para sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Hulyo ng maging batas ang Republic Act 11916 na nagtatakda na mula sa ₱500 ay dinoble at itinaas sa ₱1,000 kada buwan ang pension ng indigent senior citizen.
Pero sabi ni Ordanes, hindi kasama sa 2023 budget ang ₱25.7 billion na pondo para dito.
Paliwanag naman ng Department of Budget and Management (DBM) nang maisabatas ang pension hike ay nailatag na 2023 National Expenditure Program kaya hindi naisama ang pondo para sa dagdag-pension ng mga nakatatandang benepisyaryo.