Pondo para sa DDR, tiniyak ng Kamara

Tiniyak ni Ways and Means Chairman Joey Salceda sa mga senador na makakahanap ng paraan ang Kamara para pondohan ang Department of Disaster Resilience (DDR) sa kabila ng pagtutol dito ng ilang mga senador dahil sa kawalan umano ng pondo.

Ayon kay Salceda, may-akda ng DDR sa Kamara, hindi lamang basta lilikha ng bagong ahensya ang isinusulong na panukala.

Hindi aniya nakukuha ng mga kritiko na ang panukalang paglikha ng DDR ay magreresulta sa pag-institutionalize at pagpapalakas ng disaster preparedness at response ng bansa.


Siniguro ni Salceda na patuloy na humahanap ang kanyang komite ng pondo para sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga reporma sa mga polisiya ng pagbubuwis.

Iginiit pa ni Salceda na dapat nang gawin ang pagpapaigting sa disaster response dahil ang kanyang proposal ay batay na rin sa kanyang mga naging karanasan noong siya pa ay Gobernador ng Albay na madalas na sinasalanta ng bagyo at hindi lamang sila basta umaasa sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nito lamang Setyembre ay napagtibay sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang bersyon ng panukalang DDR.

Facebook Comments