Pondo para sa December at 13th month pensions, inilabas na ng SSS

Inilabas na ng Social Security System (SSS) sa pamamagitan ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang December pension at 13th month bonus.

Nagkakahalaga ito ng ₱23.1 billion na inilabas sa Philippine Electronic Fund Transfer System at Operations Network o PESONet participating banks at iba pang checkless disbursements channels na ipapasok sa bank accounts ng mga pensyonado simula December 1.

Bukod dito, naglabas na rin ang SSS ng nasa 2 bilyong piso para sa NON-PESONet participating banks na inaasahang ilalabas sa mga pensioners sa December 4.


Ayon kay SSS President and CEO Aurora Ignacio, mas maaga ngayon matatanggap ng mga pensyonado ang kanilang 13th month bonus na kadalasang inilalabas sa kada ika-pito ng Disyembre.

Ang mga pensyonado na may PESONet participating bank accounts, e-wallets tulad ng PayMaya o cash pick-up arrangement sa pamamagitan ng DBP Cash Padala (MLhuiller) ay matatanggap ang kanilang pension sa dalawang batch.

Ang mga pensyonado na may contingency dates mula una hanggang ika-15 araw ng buwan, matatanggap ng kanilang regular pensions at 13th month pensions sa December 1.

Ang mga mayroong contingency dates mula ika-16 hanggang sa huling araw ng buwan ay matatanggap ang kanilang pension sa December 4.

Ang mga mayroong advance 18th month pensions at ACOP-suspended pensions ay makakatanggap ng kanilang 13th month pensions sa December 4 at December 16.

Nakipag-coordinate na ang SSS sa Philippine Postal Corporation (PhilPost) para iprayoridad ang pamamahagi ng tseke sa mga pensyonado.

Facebook Comments