Pondo para sa kalamidad, tinaasan sa ilalim ng 2023 budget

Tinaasan ng Senado ang pondo para sa kalamidad sa ilalim ng 2023 national budget upang matugunan ang mga pangangailangan at mga pagsasaayos mula sa pinsala ng mga nangyaring magkakasunod na kalamidad sa bansa.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, aabot sa humigit kumulang P30 billion ang alokasyong ibinigay ng Senado para sa calamity fund.

Higit aniya itong mas malaki kumpara sa calamity funds ng mga nakalipas na taon.


Naniniwala si Angara na sa laki at lawak ng pinsala ng magkakasunod na bagyo ay nararapat lamang na mataas ang ilaan na pondo para sa pagtugon sa kalamidad.

Tiniyak din ni Angara na bukas ang komite sa mga posibleng pagbabago sa pambansang pondo lalo na kung ito naman ay makakatulong sa taumbayan at magpapahusay sa pagtugon ng pamahalaan sa kalamidad.

Sa Martes, November 8, ay ihahain ng Finance Committee sa umaga ang committee report para sa P5.268 trillion 2023 national budget at sa hapon naman ay inaasahang mai-sponsoran na ito sa plenaryo.

Facebook Comments