Pondo para sa laptop at internet connection ng mga guro sa 2022 budget, kulang

Aabot sa P37 billion ang kailangan ng Department of Education (DepEd) para sa pagbili ng laptop at internet connection ng lahat ng guro sa ilalim ng online learning.

Sa nagdaang budget hearing sa Kamara, nasa P11.6 billion lamang ang inaprubahan dito ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program.

Ayon kay Appropriations Vice Chair Jocelyn Limkaichong, ang P33 billion sana ang ilalaang pambili ng laptop ng mga guro at ang P4 billion ay para sa isang taon subscription sa internet o data ng teachers.


Aminado rin ang kongresista na walang nakalaang pondo para naman sa internet expenses ng mga estudyante para sa online learning.

Pero dahil unti-unting magbabalik na ang face-to-face classes ay tiniyak ng kinatawan na mayroong pinaglaanan ang DepEd na pondo para rito sa susunod na taon.

Bahagi ng P5.4 billion “basic education facilities” at P28 billion “operation of schools budget” ang ilang anti-COVID measures bilang paghahanda sa pagbabalik klase.

Kabilang dito ang pagtatayo ng washing o sanitation areas, dividers o barriers at health kits na naglalaman ng face masks at alcohol.

Facebook Comments