Siniguro ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na tutugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan sa pasilidad, textbooks, at iba pang learning materials upang tugunan ang tinatawag na learning losses.
Ayon kay Secretary Pangandaman, naglaan ang pamahlaan ng P33.755 bilyon para sa Basic Education Facilities (BEF) ng Department of Education (DepEd) sa panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP).
Ito ay mas mataas ng 44% kumpara sa P23.417 bilyong alokasyon ngayong 2023 General Appropriations Act (GAA).
Ang nasabing programa ay nakatuon sa siyam na aspeto kabilang ang pagpapagawa ng mahigit 7000 mga bagong silid-aralan at technical vocational laboratories; rehabilitasyon at pagsasaayos ng 10,050 na mga silid-aralan.
Ang mga nasabing proyekto ay isasagawa sa lahat ng sulok ng bansa, maging sa mga liblib na lugar.
Samantala, makatatanggap ng P3.4 bilyon ang iba’t ibang proyektong imprastraktura ng State Universities and Colleges (SUCs).
Matatandaang sa budget message ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi nitong ang pagpapaganda ng mga pasilidad na may kinalaman sa edukasyon ay mahalaga upang makabuo ng maayos na learning environment.