Magpapadala ng liham si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera sa mga kinatawan ng Kamara para sa bicameral conference committee sa 2021 national budget.
Hihilingin ni Herrera sa House contingent sa bicam na dagdagan ang alokasyon ng calamity fund upang matiyak na mas magiging handa ang gobyerno sa pagtugon sa kalamidad.
Ngayong taon aniya ay 18 bagyo na ang dumaan sa bansa kung saan pinakahuli rito ang Bagyong Ulysses na nagdulot ng matinding pagbaha sa Metro Manila.
Naitala naman ang 382 na lindol ngayong 2020 kasama na rito ang dalawang magkahiwalay na 6.6 magnitude na lindol sa Davao Oriental noong June 4 at Masbate noong August 18.
Bukod sa mungkahing itaas ang pondo para sa kalamidad, hinimok muli ni Herrera ang Senado na aprubahan na ang Department of Disaster Resilience (DDR).
Hindi aniya dapat ipangamba ng mga senador ang pondo para sa DDR dahil manggagaling din sa mga i-aabsorb na ahensya at tanggapan ang budget para dito.