Isinusulong ng Kamara ang isang resolusyon na layong atasan ni Pangulong Duterte ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pondohan ang Philippine Sports Commission at Commission on Higher Education sa harap na rin ng nalalapit na SEA Games sa Nobyembre.
Ang paghahain ng resolusyon ay bunsod ng pagsasara ng mga gaming operations ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang sumusuporta sa PSC at CHED.
Sa resolusyong inihain ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, Jr., iginiit nito na may pangangailangan na mahimok ang Presidente na gamitin ang kanyang executive powers at may power of the purse naman ang Kongreso na puwedeng magpahintulot sa punong ehekutibo na obligahin ang PAGCOR na umayuda sa PSC at CHED.
Inoobliga naman ng resolusyon ang PSC, CHED, DBM at DOF na tukuyin ang eksaktong halaga ng suportang pinansyal na kailangan nito mula sa PAGCOR.
Mahalaga ang suporta para sa mga kakatawan sa bansa sa SEA Games upang matiyak ang maayos na partisipasyon ng bansa bilang host ng event at upang hindi rin magambala ang pagaaral ng mga kabataan sa kolehiyo na sinusuportahan ng CHED.