Pondo sa mga non-essential na programa at proyekto, ipinalilipat sa calamity fund

Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na ilipat ang mga non-essential o hindi mahahalagang gastos sa pondo para sa pagtugon ng kalamidad.

Iginiit ni Pimentel na mayroong pangangailangan na madagdagan pa ang ₱31 billion na calamity fund sa 2023 para sa aid, relief at rehabilitation programs para sa mga biktima ng kalamidad lalo’t nasa average na 20 bagyo kada taon ang tumatama sa bansa.

Inirekomenda ng opposition senator, na mai-rechannel o ilipat ang mga non-essential projects, activities, at programs ng parehong 2022 General Appropriations Act at ang panukalang ₱5.268-trillion 2023 national budget sa calamity fund.


Sa ganitong paraan ay mapopondohan ang mga mahahalagang programa tulad ng calamity fund upang maging mabilis at epektibo ang pagtugon ng gobyerno sa mga sakuna at kalamidad.

Kabilang sa nais patapyasan ng pondo ng senador ang confidential at intelligence funds (CIFs) at ipinalilipat ito sa programa na mas kinakailangan ang alokasyon.

Kung maire-rechanel ang kabuuang ₱9.29 confidential at intelligence funds ay maaari itong gamitin para mapaghusay pa ang weather forecasting capabilities ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makapagpatayo ng mga winasak na bahay na dulot ng bagyo at lindol at pagsasaayos ng mga nasirang daan at tulay.

Facebook Comments